Na madinig siya ng mga Pinoy - tila ito ang nais ng kasulatang ito:
The Filipino Today, by Alex Lacson
Siguro, ang layunin ng may-akda ay marangal. Ngunit hindi ko pa rin nagustuhan ang kanyang katha. Kasi, una, kung gusto mo talagang makatulong at marinig ka ng kapwa mo Pinoy, aba e dapat gamitin mo ang wikang Filipino.
At heto na naman ang isang maling propaganda na pinapakalat ng may akda: na magaling ang Pinoy. Hindi po. Tulad na ng mga halimbawa niya, may ilan-ilang magagaling na Pinoy. At hindi dahil Pinoy sila. Aba e kung magaling ang Pinoy, bakit hindi nagtagumpay si Capt. Mendoza na makuha ang kanyang mga demanda sa kanyang tinangkang hostage crisis? O di kaya ang mga pulis nung panahon na yon, lamang sila sa numero laban kay Capt. Mendoza--bakit nila napabayaang may mamatay na mga inosenteng sibilyan na silang mga turistang banyaga pa man din? Aba e kung magaling ang Pinoy, bakit nagka-abusadong Martial Rule tayo sa ilalim ni dating Pangulong Marcos? Madami tayong pwedeng itukoy na mga tila hindi "magagaling" na mga kapatid natin.
Tulad ng mga halimbawa ng may-akda, totoong may ilang magagaling na Pinoy.
Pero ito po ay dahil nagsikap sila.
Tignan mo na lang si Manny Pacquiao. World Champion. Pinoy, hindi po ba? Ngunit, World Champion po ba siya dahil siya ay Pinoy? Hindi po. Bakit ang kapatid na niya mismo na siyang "boxer" din na si Bobby Pacquiao, hindi nakakamit ang mga tagumpay na tulad ni Manny? World Champion po si Manny dahil po mas nagsumikap si Manny sa kapatid niya o sa kahit sinumang Pinoy. Yun lang po yon.
Kung gusto talaga natin umunlad, IKAW mismo, kapwa Pinoy, ang dapat magsumikap. IKAW mismo ang dapat may gawin. Hindi mo pwedeng sabihin na lang na dahil Pinoy ka, magaling ka na. Lalo na kung wala ka pa namang pinapala. Kapag nagsumikap ka at tunay na magaling ka na nga, tsaka mo ipag-mayabang na Pinoy ka. Kasi pwede lang tayo maging "proud to be Pinoy" kapag ang mga kapwa Pinoy ay tunay nga na "proud" para sa atin, o na maipagmamayabang nga tayo. Tulad niyang mga tinutukoy na mga indibidwal na mga tao sa kasulatan na aking nabanggit - tayong mga Pinoy ay "proud" sa kanila at sa kanilang mga ginawa - mga tulong sa ibang tao, mga imbensyon nakakapagpa-unlad ng buhay ng ibang tao, mga panalo sa mga isports, atbp. Sana lang ay "proud to be Pinoy" pa nga din po tayo kapag tayo ay may nakamit na.
Ang "keyword" po talaga, ay hindi "Pinoy." Ang "keyword" po ay "gawa."
"Cliche" na ito ngunit, ayun talaga ang tanong e: Ano na ba talaga ang nagawa o ginagawa mo para maipagmalaki ka ng iyong pamilya, ng iyong komunidad, ng iyong inang bayan?
Note: For our international readers, pardon the use of our own language. Those who speak our language, after all, is my intended audience for the above. And that English-writing Filipino author, who apparently, I critiqued also an article back in this link. Of course, you can always use Google Translate or some other online translation service, although it is usually an imperfect translation.
Thursday, September 09, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment